ARESTADO ang isang lalaking isinasangkot sa ilegal na bentahan ng mga hindi lisensiyadong baril sa isinagawang entrapment operation ng mga awtoridad sa lungsod ng Baliwag, lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay P/Lt. Col. Jayson San Pedro, hepe ng Baliwag CPS, kinilala ang suspek na si alyas Pungay, 24 anyos, residente ng Brgy. San Jose, sa nabanggit na lungsod.
Dinakip ang suspek matapos magbenta ng isang kalibre .38 revolver na walang serial number, anim na bala, at holster sa isang undercover operative kapalit ng P2,000 markadong pera.
Isasailalim ang nakumpiskang baril sa forensic at ballistic examination habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 10591 na isasampa laban sa suspek.
Samantala, tinatayang P240,000 halaga ng tuyong dahon ng marijuana ang nasabat at isang hinihinalang tulak ang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawang buybust operation sa Brgy. Loma De Gato, sa bayan ng Marilao, nitong Miyerkoles, 30 Hulyo.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Jordan Santiago, hepe ng Marilao MPS, kinilala ang suspek na si alyas Jen, 26 anyos, residente ng nasabing barangay.
Nakumpiska mula sa suspek ang humigit-kumulang dalawang kilo ng nakablokeng marijuana na handa na sanang i-deliver sa mga kliyente.
Ksalukuyang nasa kustodiya ang suspek ng Marilao MPS na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 na nakatakdang isampa sa korte.
Samantala, pinuri ni P/Col. Angel Garcillano, acting provincial director ng Bulacan PPO, ang matagumpay na operasyon ng mga tauhan ng Baliwag CPS at Marilao MPS sa pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga at loose firearms. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com