INARESTO ng mga awtoridad ang isang senior citizen matapos ireklamo ng pananakot at pagpapaputok ng baril sa kanilang barangay sa San Miguel, Bulacan kamakalawa.
Sa ulat na ipinadala ni Police Colonel Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan PPO, kay Police Regional Office 3 Director PBGeneral Ponce Rogelio I. Peñones Jr., ang arestadong suspek ay kinilalang si Herminigildo Valdez y Vergel, 74-anyos, na residente ng Brgy. Tartaro, San Miguel.
Ayon sa ulat, nakatanggap ang himpilan ng San Miguel Municipal Police Station (MPS) ng ulat na may isang matandang lalaki na walang habas na nagpapaputok ng baril na ikinatakot ng mga residente sa lugar.
Agad rumisponde ang mga operatiba ng San Miguel MPS at sa loob ng limang minutong pag-aksiyon ay nasakote ang suspek na naaktuhan pa nilang nagwawala at naninindak ng mga kabarangay.
Narekober ng pulisya sa suspek ang isang expired na 9mm pistol at live ammunition na ginamit nito sa walang habas na pagpapaputok.
Sinabi ng ilang residente na naging ugali na ng suspek na ipakitang kahit siya ay matanda na ay kaya pa niyang sindakin ang mga kabarangay sa pamamagitan ng pagpapaputok ng baril.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Miguel MPS ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591, Alarm and Scandal, at Grave Threat.
Kasunod nito ay pinuri ni PBGen Peñones Jr, ang mabilis na aksyon ng responding team at sinabing ang kaligtasan ng mga komunidad ay nakasalalay sa kung gaano kabilis at epektibong kumilos ang kapulisan sa rehiyon. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com