NASAKOTE ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawa pang suspek, kabilang ang gunman (tinukoy na sangkot sa ilegal na pagbebenta ng baril) sa pinaslang na opisyal ng Kongreso, sa buybust operation sa lungsod nitong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ni P/Col. Randy Glenn Silvio, Deputy District Director for Administration/Officer-in-Charge, ng QCPD, ang mga suspek na sina alyas Cris Mark, 35 anyos, itinurong gunman at alyas Cedlyn, 26, kapwa residente sa Caloocan City.
Batay sa ulat, nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ng tip ang mga awtoridad na naghahanap ang mga suspek ng mga prospective buyer ng baril at nangako ng komisyon sa impormante.
Agad nagsagawa ng entrapment operation ang mga awtoridad, na unang nagkasundo ang police poseur buyer at ang mga suspek na magkikita sa Malabon City, hanggang sa mapunta sa Northview, Quezon City ang aktuwal na transaksiyon.
Dakong 9:45 ng gabi, sa entrapment operation ay naaresto ang mga suspek at nakompiska sa kanila ang iba’t ibang ID card sa ilalim ng alyas na “Cedlyn Sungkados Vargas”, mobile phone, 9mm Colt MK-4 pistol na kargado ng anim na bala, MK2 hand grenade; mga ID sa ilalim ng alyas na “Glenn Balbido Robredo”, backpack, pitaka, at mga larawan ng suspek na si Chris Mark na naka-security uniform.
Lumitaw sa imbestigasyon na ang mga suspek ay may kinalaman sa pagpatay sa biktimang si Mauricio Pulhin, 61, hepe ng technical staff ng House committee on ways and means sa mismong kaarawan ng kaniyang anak na batang babae sa isang subdivision sa Barangay Commonwealth noong 15 Hunyo, ngayong taon.
Inihahanda na ang mga patong-patong na kaso laban sa mga suspek. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com