ARESTADO ng mga awtoridad ang isang lalaki dahil sa pagsasagawa ng ilegal na dog fighting sa kaniyang bahay sa Brgy. Motrico, bayan ng La Paz, sa lalawigan ng Tarlac.
Ang dog fighting ay ilegal sa bansa at itinuturing na paglabag sa Animal Welfare Act of 1998.
Ayon sa ulat mula sa Criminal Investigation and Detection Group- Anti Organized Crime Unit (CIDG-AOCU), isinagawa nila ang operasyon katuwang ang PAOCC at Animal Welfare Investigation Project laban sa suspek na kinilalang si alyas Akira, sa bisa ng search warrant mula sa Malolos City RTC Branch 81.
Ayon sa CIDG-AOCU, nakatanggap sila ng impormasyon na sangkot ang suspek sa dog fighting at ginagamit ang social media upang ibenta ang mga tuta na pinalaki at sinanay para sa ganitong ilegal na aktibidad.
Sa isinagawang test buy ng mga awtoridad, nakumpiska nila mula sa suspek ang tatlong aso, kulungan para sa dog fight, bite stick at iba pang mga paraphernalia na ginagamit sa pagsasagawa ng dog fight.
Nasagip rin ang pitong tuta, kabilang ang isa na nasugatan matapos sumailalim sa brutal na pagsasanay ng suspek na sinasabing Filipino-Japanese.
Nasa kustodiya na ng CIDG-AOCU ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 8485 o Animal Welfare Act. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com