NAILIGTAS ng mga awtoridad ang apat na menor-de-edad sa bayan ng Pulilan, lalawigan ng Bulacan mula sa pang-aabuso upang kumita ng pera.
Kaugnay nito, nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng Women and Children Cybercrime Protection Unit, sa koordinasyon ng Pulilan Municipal Social Welfare and Development Office, na nagresulta sa pagkakasagip sa apat na menor de edad.
Napag-alamang ang mga nasagip ay kinabibilangan ng dalawang babae at dalawang lalaki, kasunod ng ulat na may nagaganap na online child abuse sa lugar.
Nag-ugat ang operasyon sa isang referral mula sa National Center for Missing and Exploited Children na nagsasaad ng sinasabing paglabag sa Section 10 ng RA 7610 o Special Protection Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act of 1992, kaugnay ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Dahil dito, pinapurihan ni P/BGen. Bernard Yang, acting director ng PNP Anti-Cybercrime Group, ang mga operatiba sa matagumpay na rescue operation.
Aniya, ang PNP-ACG ay hindi matitinag sa paglaban sa pang-aabuso sa mga bata at ang bawat batang naililigtas ay isang hakbang na ligtas na digital na kapaligiran para sa lahat. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com