SINAMPAHAN ng kasong kriminal ng Quezon City Police District (QCPD) ang may-ari ng baril na sinasabing kamag-anak ng isang politiko, na ginamit ng holdaper sa pagpatay sa isang pulis sa nangyaring enkuwentro sa Barangay Commonwealth, Quezon City.
Sa report ng QCPD, ang 9mm pistol na ginamit sa krimen ay nakarehistro kay Hernando Dela Cruz Robes, residente ng City of San Jose del Monte, Bulacan.
Batay sa record, si Robes ay nagmamay-ari ng tatlong baril, kabilang ang isa na sangkot sa insidente na ang lisensiya ay expire na noon pang Marso 2014.
Una nang sinabi ng mga anak ni Robes sa mga imbestigador na ang baril ay naibenta sa isang Manuel Marcos Mercado noong Marso 2023.
Gayonman, kalaunan ay nakompirma na si Mercado ay pumanaw na noong 7 May, ay walang License to Own and Possess Firearms (LTOPF), at ang kanyang lisensiya ng baril ay nag-expire noong Agosto 2007.
Kinompirma ng kanyang biyuda na personal niyang kilala si Robes, bilang ‘shooting buddy’ ng kanyang mister.
Pinatunayan din ng mga saksi ang kanilang mga lagda sa deed of sale at kinompirma ang transaksiyon sa pagitan nina Robes at Mercado.
Sa kabila ng notarized na kasulatan, sinabi ng Firearms and Explosives Office (FEO) na ang baril ay nananatiling opisyal na nakarehistro sa ilalim ng pangalan ni Robes, kaya legal siyang nananagot sa paggamit nito.
Inilinaw na hindi sangkot si Robes sa pagpatay ng holdaper sa pulis.
Kasunod ng mga pangyayari, boluntaryong isinuko ni Robes ang kanyang dalawang natitirang baril sa QCPD para sa pag-iingat.
Nabatid na si Robes ay kamag-anak ng isang politiko sa Bulacan.
Mahaharap si Robes sa mga kaso para sa mga paglabag sa Republic Act No. 10591, na kilala rin bilang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act — partikular sa Section 41 (illegal transfer of firearm ownership) at Section 32 (unlawful sale o disposition of firearms).
Magugunitang noong 30 Hunyo, kapwa nasawi si Patrolman Harwin Curtney Baggay ng District Tactical and Motorized Unit (TMU) ng QCPD at ang 33-anyos na holdaper na si Rolando Capin Villiarete sa naganap na shootout sa Brgy. Payatas.
Lumabas sa imbestigasyon na ang ginamit na baril ng suspek ay pag-aari ni Robes. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com