AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
BAWAL ang pulis na tatamad-tamad sa liderato ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Nicolas Torre III.
Anong karakter ba mayroon ang mga tamad na pulis? Ito iyong mga pakuya-kuyakoy sa presinto …ayaw magresponde o namimili ng kaso at ang gustong tulungan ay iyong mga “positive” o “SOP – save our pocket”.
In short, ang mga tamad na pulis ay kasalungat ng katangiang mayroon si Chief PNP pagdating sa trabaho.
Nitong Lunes, sinampolan ni Torre ang isang chief of police sa lalawigan ng Rizal. Sinibak sa inilarawan ni Torre na tamad sa paghawak ng isang kaso ng pagnanakaw ang kanyang mga tauhan. Iyan ang command responsibility.
Nakarating kay Torre ang ulat na humingi ng saklolo sa presinto ang isang negosyante dahil pinagnakawan siya ng kanyang dalawang tauhan.
Imbes tulungan o respondehan, sinabihan ang complainant na ihahanda na lamang nila ang paghahain ng kaso sa korte. Mga tamad nga!
Dahil dito, tinawagan ni Torre ang Provincial Director ng Rizal – hayun, agad na nadakip ang dalawang suspek sa Negros Island Region at narekober ang ninakaw na P500,000 cash.
Puwede naman pala kung gugustohin, bakit kailangan pang makarating kay Chief PNP ang lahat para kumilos.
Hindi lang sa Rizal PNP, mayroong ganitong klaseng mga pulis, nagkalat ito sa mga presinto.
Nauna rito, may walo nang COP sa Metro Manila ang sinibak ni Torre dahil sa ‘katamaran’. Hindi nakapapasa sa SIMEX para sa 5-minute police response ang kanilang estasyon.
Hoy! Tandaan niyo, bawal ang tatamad-tamad kay Gen. Torre!
“Sipag lang…sipag lang…” iyan naman ang mayroon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na pinamumunuan ni PBrig. Gen. Romeo Macapaz bilang Acting Director.
Bunga ng kasipagan alinsunod sa direktiba ni Torre, at sa kautusan din ni Pangulong Marcos, Jr., kontra smuggling at economic sabotage, nasabat ng CIDG ang P1.3 milyong halaga ng pekeng sigarilyo sa Quezon City. Peke, so ibig sabihin smuggled! Nasamsam sa suspek na si “alyas Angelo” ang 11 master case at 40 ream ng sigarilyo.
Aba’y, kung sakaling nakalusot sa merkado, malaki na naman ang nawala sa kaban ng bayan. Mabuti na lang at may kasipagan ang CIDG.
Ayon kay Macapaz, si “Angelo” ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines dahil sa pagbebenta ng counterfeit at trademark infringing ng sigarilyo.
Pinuri naman ni Torre ang tropa ni Macapaz – ang mabilis na aksiyon ng CIDG Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit.
Tiniyak ni Macapaz na magpapatuloy ang CIDG sa pagpapatupad ng batas laban sa lahat ng uri ng krimen alinsunod sa direktiba ni PBBM at Gen. Torre.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com