MAS MARAMI pang hinihinalang shabu ang natatagpuan at ang pinakahuli ay sa isang beach sa Basco, Batanes, ang pinakahilagang lalawigan ng Filipinas.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Administration (PDEA) Region 2, natagpuan ng isang mangingisda ang isang sako na may laman na 24 vacuum-sealed na pakete ng hinihinalang shabu sa dalampasigan ng Barangay Chanaryan noong 19 Hunyo.
May markang “Daguanying” ang mga selyadong pakete, may timbang na 24.5 kilo at tinatayang may steet value na P166.6 milyon.
Isinuko sa Basco Municipal Police Station at ngayon ay nasa kustodiya ng PDEA Basco Provincial Office ang nasabing mga kontrabando.
Nakatakdaang dalhin ang nahakot na shabu sa PDEA Region 2 laboratory para sa karagdagang pagsusuri.
Matatandaang hindi bababa sa 1.530 tonelada ng lumulutang na shabu ang nasamsam sa mga baybayin ng Zambales, Pangasinan, at Cagayan simula noong unang bahagi ng Hunyo na nagkakahalaga nang halos P9.48 bilyon — ang pinakamalaking paghatak ng droga sa kasaysayan ng Filipinas.
Nitong Miyerkoles, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang inspeksyon at pagsusunog ng halos 3,000 kilo ng shabu, marijuana, cocaine, at ecstasy na nakompiska sa iba’t ibang bahagi ng bansa. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com