PATAY ang isang negosyante matapos atakihin at pagbabarilin ng apat na kawatan na tumangay pa sa kanyang motorsiklo sa Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan kamakalawa ng madaling araw.
Sa ulat mula kay P/Lt.Colonel Voltaire Rivera, hepe ng Santa Maria Municipal Police Station (MPS), ang biktima ay kinilalang si Crisaldo Dela Cruz y Mendoza, 37-anyos, residente ng #102 Mendoza St., Sto. Tomas, Santa Maria, Bulacan.
Samantala, batay na rin sa ulat, ang mga suspek ay apat na hindi nakikilalang kalalakihan na sakay ng dalawang NMax motorcycles.
Ayon sa panimulang imbestigasyon ng mga tauhan ng Santa Maria MPS, naganap ang insidente dakong ala-1:45 ng madaling araw sa Bagbaguin, Santa Maria.
Napag-alamang ang motorsiklo ni Mendoza, na isang Yamaha NMX, kulay itim na may plakang 362 QFN ay inagaw ng mga suspek at saka binaril ang biktima.
Ang inagaw na motorsiklo ay ginamit pang getaway vehicle ng mga suspek sa kanilang pagtakas samantalang ang biktima ay naisugod pa sa Rogaciano Mercado Memorial Hospital subalit habang nasa ilalim ng medical treatment ay idineklara itong “dead’ ng attending physician na si Adriel Jashen C. Cercenia M.D.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga tauhan ng Santa Maria MPS upang matukoy at maaresto ang mga suspek. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com