ARESTADO ang isang lalaking nanaksak ng kaniyang kainuman dahil napikon sa pamamato ng huli ng butong pakwan na kasama sa kanilang pulutan sa bayan ng Pantabangan, lalawigan ng Nueva Ecija.
Sa ulat na ipinadala ni P/Col. Ferdinand Germino, provincial director ng Nueva Ecije PPO, kay P/BGen. Jean Fajardo, regional director ng PRO3, naganap ang insidente ng pananaksak sa Brgy. Marikit, sa nabanggit na bayan, nitong Linggo ng madaling araw, 15 Hunyo.
Nabatid na matinding pinsala sa ulo ang inabot ng 30-anyos na magsasakang biktima matapos pagsasaksakin ng 37-anyos na suspek.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na nag-iinuman ang dalawa kasama ang ilang kaibigan nang pabirong hagisan ng biktima ng butong pakwan na noon ay kanilang kinukukot sa inuman ang suspek.
Dahil napahiya sa harapan na nagdulot ng hinanakit, nagalit ang suspek at pinagsasaksak sa ulo ang biktima na kaagad isinugod sa Alfonso Castaneda Health Center.
Sa mabilis na pagresponde sa isinagawang follow-up operation ng mga elemento ng Pantabangan MPS, nadakip ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong Frustrated Homicide. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com