INARESTO ang isang dayuhan sa ilegal na pagbebenta ng vape products sa buong bansa.
Base sa pinaigting na operasyon ng mga awtoridad laban sa lahat ng uri ng krimen at paglabag sa batas,
nagkasa ang CIDG Pampanga Provincial Field Unit katuwang ang CIDG Bulacan Provincial Field Unit ng operasyon sa Barangay Prenza 1, Marilao, Bulacan na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Ping, isang Chinese national, na naaktohan habang nagbebenta ng mga hindi rehistradong vape products at walang kaukulang permiso at awtorisasyon mula sa Department of Trade and Industry (DTI).
Nakompiska ng mga awtoridad sa operasyon ang 26,000 piraso ng assorted “Eutral” brand vape products na nagkakahalaga ng P9,100,000.
Ang naarestong suspek ay nakatakdang sampahan sa National Prosecution Service ng paglabag sa Section 19 Republic Act No. 11900 (Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation) dahil sa mga nakompiskang produkto na hindi nakarehistro sa DTI at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ayon kay CIDG Director PMajor Nicolas Gen Torre III, pinoprotektahan at itinataguyod ng estado ang karapatan ng mamamayan at itinatanim ang kamalayan sa kalusugan.
Dagdag ng opisyal, kinokontrol ng pamahalaan ang pag-aangkat, paggawa, pagbebenta, pamamahagi, at paggamit ng vaporized nicotine at non-nicotine na mga produkto, mga device, at mga produkto ng vape upang itaguyod ang isang malusog na kapaligiran. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com