ARESTADO ang isang kilalang personalidad sa ilegal na droga nang tangkaing barilin ang mga nagrespondeng pulis sa isang operasyon na isinagawa sa Brgy. Sto. Niño, Lungsod ng Baliwag, Bulacan kamakalawa ng hapon.
Batay sa ulat na ipinadala kay PColonel Franklin P. Estoro, Officer-In-Charge ng Bulacan PPO, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na ang suspek ay may dalang hindi pa natutukoy na kalibre ng baril.
Dahil dito, agad inilunsad ng Baliwag CPS ang Oplan Sita sa Brgy. Tangos at nagpadala ng mga tauhan mula sa intelligence unit upang beripikahin ang pagkakakilanlan ng suspek na kilalang sangkot sa ilegal na droga.
Habang nagsasagawa ng pagmamanman sa Brgy. Sto. Niño, namataan ng mga tauhan ng Baliwag CPS ang suspek sa isang makitid na daan.
Nang mapansin ang presensiya ng mga operatiba, agad itong tumakas at iniwan ang kanyang motorsiklo, dahilan upang habulin siya ng mga pulis.
Habang tumatakas, binunot ng suspek ang isang baril na may lamang mga bala at tinangkang paputukan ang mga humahabol na pulis.
Minalas ang suspek nang mag-jammed ang baril kaya’t agad na sinunggaban ng isang operatiba ang suspek upang agawin ang armas.
Dahil sa matinding panlalaban ng suspek at sa panganib na dala nito, napilitan ang isang pulis na barilin siya sa kanang hita upang mapigilan ang patuloy na pagbabanta.
Hanggang tuluyang nasukol at naaresto ang suspek na nakuhaan ng mga isang Llama-made na .380 caliber pistol kargado ng anim na bala, isang itim na belt bag na may lamang medium-size na plastic sachet ng hinihinalang shabu, at isang itim na pitaka na may lamang dalawang piraso ng P500 bill.
Ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal at agad siyang dinala sa Baliwag District Hospital para sa pang-unang lunas.
Inihahanda na rin ang mga kaukulang kaso na isasampa sa korte gaya ng paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) kaugnay ng Omnibus Election Code, Section 11 ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), at pagtutol sa pag-aresto. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com