
PATAY ang isang binatilyong estudyante matapos malunod sa isang pribadong resort sa bayan ng Plaridel, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 8 Marso.
Sa ulat na ipinadala kay P/Colonel Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang biktima na si Markhin Dylan Nana, 15 anyos, nalunod bandang 1:45 ng hapon sa Casa Cirila Private Resort sa Barangay Bulihan, Plaridel.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nabatid na inanyayahan ang biktima ng isang kaibigan na nagdiriwang ng kaniyang kaarawan sa nasabing resort.
Habang lumalangoy sa pool, nalunod ang biktima hanggang sinubukan pa ng kaniyang mga kaibigan na iligtas siya at isinugod sa La Consolacion Hospital sa nasabing bayan ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Kaugnay ng naturang insidente, hiniling ang isang autopsy examination para sa biktima sa Bulacan Provincial Forensic Unit. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com