DINAKIP ng Quezon City Police District (QCPD) Batasan Police Station 6 ang kilalang bigtime lady drug supplier sa lungsod na nakompiskahan ng P6 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa buybust operation nitong Huwebes, 9 Enero 2025 sa lungsod.
Sa ulat kay QCPD Acting Director, PCol. Melecio M. Buslig, ni PS6 chief, PLt. Col. Romil Avenido, kinilala ang nadakip na si Nurjiya Akuk Muharram, 24-anyos, tubong Jolo, Sulu at kasalukuyang residente ng 43 Airforce Road, Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Ayon kay Avenido, nadakip si Muharram, dakong 5:30 ng madaling araw, 9 Enero, sa Airforce Road, Brgy. Holy Spirit, QC.
Nakatanggap ng impormasyon ang opisina ni Avenido hinggil sa ilegal na aktibidad ni Muharram kaya agad niyang pinakilos ang tropa ng PS-6 Drug Enforcement Unity (DEU) na magsagawa ng operasyon.
Sa pamamagitan ng buybust operation, nadakip ang suspek matapos bentahan ng droga ang pulis na nagpanggap na buyer. Nakuha kay Muharram ang 900 gramo ng shabu na may street value na P6,120,000.
Si Muharram ay sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 Sec. 5 at 11 sa Quezon City Prosecutors Office.
Ayon kay Avenido, si Muharram ang responsable sa pagbagsak ng droga sa mga barangay ng Commonwealth, Batasan Hills, Holy Spirit, Bagong Silangan, Fairview, at karatig pang barangay.
Ayon sa opisyal, may sariling mga tauhan si Muharram na nagbebenta ng droga sa nabanggit na mga lugar at humaharap lang siya kapag may malakihan o kilo-kilo ang order sa kanyang grupo.
Inaalam ng pulisya ang kung anong sindikato ng droga ang kinabibilangan ni Muharram.
Sinabi ni Avenido, ang patuloy na gera ng estasyon laban sa ilegal na droga ay tugon sa direktiba nina Col. Buslig at QC Mayor Joy Belmonte na sugpuin ang pagkakalat ng ilegal na droga sa lungsod. (ALMAR DANGUILAN)