Tuesday , January 7 2025
Lala Sotto MTRCB

MTRCB, nakapagtala ng panibagong record  
HIGIT 267,000 MATERYALES NIREBYU SA LOOB NG 2024

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

SA LAYUNING mabigyan ng angkop na klasipikasyon ang lahat ng palabas, nakapagrebyu ng mahigit 267,000 materyales ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ngayong 2024.

Mas mataas ito kompara sa 255,220 noong 2023 at 230,280 noong 2022.

Kabilang dito ang 264,424 materyales para sa telebisyon, 592 pelikula, 549 movie trailers, at 1,525 publicity at optical media na isinumite ng mga producer at estasyon para mabigyan ng angkop na klasipikasyon.

Sa halos 600 pelikula, 30 dito ay rated G (angkop para sa lahat ng manonood), 298 rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang), 251 ang R-rated, habang 13 ang na-X o hindi pinayagang maipalabas sa mga sinehan.

Bagama’t limitado ang kakayahan at kagamitan ng ahensiya, ang bilang ng mga narebyu ng Board ngayong taon ay sumasalamin sa dedikasyon na matiyak na mabigyan ng angkop na klasipikasyon ang lahat ng materyal sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng industriya ng paglikha dahil sa teknolohiya.

Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio, ang lahat ng isinumite sa Board ay nabigyan ng “age-appropriate ratings” habang balanseng tinitiyak na may malayang pagpapahayag at pagprotekta sa manonood.

“Ang malaking bilang ng mga narebyu ngayong 2024 ay sumasalamin sa aming mandato at responsibilidad na masabayan ang lumalagong industriya ng pelikula at telebisyon at matiyak na nakalinya ang mga palabas sa umiiral na batas at pamantayan,” sabi ni Sotto-Antonio.

Nagpasalamat si Sotto-Antonio sa 30 Board Members para sa kanilang hindi matatawarang trabaho at pagiging propesyonal upang bigyan ng angkop na klasipikasyon at masiguro na ligtas ang mga materyal bago ito maisapubliko.

“Lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng Board Members para sa kanilang pagmamahal sa trabaho at sipag — umulan man o umaraw, holiday man o kahit walang pasok sa opisina — para maserbisyohan ang ating mga stakeholders at ang pamilyang Filipino,” saad niya.

Pinapurihan niya ang 31 Board Members na sina:

• Abogado: Vice Chairperson Paulino Cases, Jr., Gaby Concepcion, Cesar Pareja, Ricardo Salomon, Jr., at Frances Hellene Abella

• Retiradong Guro: Maria Carmen Musngi

• Producers sa Pelikula at Telebisyon: Josefina Annabel “JoAnn” Bañaga, Wilma Galvante, Eloisa Matias, at Jerry Talavera

• Direktor sa Pelikula at TV: Antonio Reyes at Neal Del Rosario

• Aktor at Aktres: Bobby Andrews, Jan Marini Alano, Mark Anthony Andaya, Luke Mejares, Johnny Revilla, Richard Reynoso, Valmar Sotto, at Almira Muhlach

• Editor sa Pelikula at TV: Manet Dayrit at Katrina Angela Ebarle

• Advertising Expert: Angel Jamias

• Batikang Peryodista: Alfonso “Al” Mendoza

• Public Servants: Racquel Maria Cruz at Fernando Prieto

• Negosyante: Cherry Espion, Jose Alberto V, Glenn Patricio, at dating BM Federico Moreno; at

• Mental and behavioral expert: Lillian Ng Gui.

“Panghuli, ating pinasasalamatan ang masisipag nating empleyado sa MTRCB. Patunay ang mga nakamit ng Board ay dahil din sa sipag at dedikasyon ninyo para sa serbisyo publiko. Maraming salamat sa lahat ng inyong kontribusyon ngayong 2024 at sa mga darating pang taon,” dagdag ni Sotto-Antonio.

Kaakibat ng malaking bilang ng narebyu ng MTRCB ngayong 2024 ay ang iba’t ibang pakikipag-ugnayan at kolaborasyon, partisipasyon sa labas ng bansa, at ang matagumpay na paglulunsad ng “Responsableng Panonood Tungo sa Bagong Pilipinas” campaign ng administrasyon.

Muling tiniyak ni Sotto-Antonio na sa 2025 ay mas pagbubutihin pa ng ahensiya ang trabaho nito at patuloy na magiging kaagapay ng industriya ng paglikha at ng pamilyang Filipino tungo sa responsableng panonood at paglikha.

“Sa susunod na taon, mananatili po ang ating dedikasyon sa ating trabaho at mandato na ipalaganap ang responsableng panonood, ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa ating mga stakeholder, at ang pagsuporta sa mga lokal na pelikula sa bansa.”

About Nonie Nicasio

Check Also

Arjo Atayde Sylvia Sanchez

Sylvia ibinuking Arjo elementary pa lang nangungulit na para mag-artista

RATED Rni Rommel Gonzales SEPTEMBER 5, 2024 nang manalo si Arjo Atayde bilang Best Lead Actor in …

Sugar Mercado Salome Salvi Intele Builders Development Corporation Cecille Bravo Pedro Pete Bravo

Sugar at Salome pinasaya thanksgiving party ng Intele

MATABILni John Fontanilla PINASAYA ni Sugar Mercado at VMX star Salome Salvi ang two-part Christmas …

Anjo Pertierra Mang Tani

Anjo idol si Mang Tani, minsang nagka-trauma sa bagyo

RATED Rni Rommel Gonzales MAHIRAP ang obligasyon ni Anjo Pertierra na weather reporter ng Unang …

Sylvia Sanchez Arjo Atayde Richard Somes Topakk

Sylvia espesyal FPJ Memorial Award sa Topakk

RATED Rni Rommel Gonzales KAUSAP namin ang aktres at mega-producer na si Sylvia Sanchez bisperas …

Moira dela Torre

Moira lumamlam na ang career, binitiwan na ng Cornerstone

MA at PAni Rommel Placente IPINAGTATAKA ng mga netizen ang tila paglamlam ng career ni …