SA PATULOY na operasyon kontra kriminalidad ng pulisya, nadakip ang tatlong nakatalang wanted person at isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles, 18 Disyembre.
Nasamsam din sa serye ng operasyon ang apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P48,960, at buybust money.
Ayon sa ulat na ipinadala kay P/Col. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, arestado sa bisa ng mga warrant of arrest ang tatlong wanted persons sa isinagawang manhunt operations ng tracker teams mula sa Guiguinto, Calumpit, at Bustos MPS.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina alyas JR para sa tatlong bilang ng kasong Other Forms of Swindling Under Art. 316; alyas MC para sa kasong Qualified Theft; at alyas Arce para sa kasong Statutory Rape.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting station ang mga suspek para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, nagsagawa ng buybust operation ang San Ildefonso MPS sa Brgy. Anyatam, San Ildefonso, na nagresulta sa pagkakadakip sa isang 43-anyos na lalaking tubero at residente ng nabanggit na barangay nang makumpiskahan ng apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalagang P48,960; at buybust money.