NASAKOTE ang may kabuuang 19 mga indibidwal, kung saan 15 ang mga wanted person at apat ang hinihinalang mga tulak, sa pinaigting na operasyon laban sa kriminalidad ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, hanggang nitong Linggo, 15 Disembre.
Nasamsam din sa serye ng mga operasyon ang 16 sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P27,200; at buybust money.
Ayon sa ulat na isinumite kay P/Col. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, ikinasa ang serye ng manhunt operations ng mga tracker team mula sa Malolos, San Jose del Monte, Meycauayan, San Rafel, Bocaue, Obando, Balagtas, Pulilan, Marilao C/MPS at Bulacan Provincial Intelligence Unit, kung saan nadakip ang 15 indibidwal sa bisa ng mga warrants of arrest.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station ang mga nadakip na suspek para sa tamang disposisyon.
Samantala, naaresto ang apat na hinihinilang mga tulak sa magkakahiwalay na buybust operation na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malolos, Obando, at Angat C/MPS.
Nakumpiska sa operasyon ang kabuuang 16 heat sealed plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P27,200; at buybust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri habang inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)