ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
HABANG papalapit ang December 25 ay mas nagiging excited ang mga suking tagasubaybay ng annual Metro Manila Film Festival (MMFF). Lalo’t mas espesyal ngayon, dahil bukod sa pawang matitindi ang 10 entries, ito ang Golden anniversary ng MMFF.
Kabilang sa entry ang pelikulang Espantaho na tinatampukan nina Judy Ann Santos at Lorna toleninto.
Ang Espantaho ay isang nakagigimbal na horror-drama na mula sa master ng Philippine horror cinema na si Chito S. Rono. Scarecrow ang translation nito sa English.
Isang hindi malilimutang cinematic experience ang hatid sa mga manonood ng Espantaho para sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ang pelikula ay naghahatid ng nakakatakot na kuwento ng pag-ibig, pangangaliwa, at misteryo. Itinatampok dito ang napakahusay na pagganap nina Judy Ann (Monet), Lorna (Rosa) at Chanda Romero (Adele).
Kabilang ang mahusay at versatile na actor na si Mon Confiado sa star-studded na cast nito. Nabanggit niyang kompiyansa siyang papatok sa madlang pipol ang kanilang pelikula.
Esplika ni Mon, “More than awards, personally ako, ang mas ipinagdarasal ko o ang mas ine-expect ko ay ang maging number 1 ang pelikula namin.
“Sinabi ko iyan dati sa pelikula naming Miracle in Cell Number 7, during that time napaka-imposible, kasi laging Vice Ganda film ang number 1. Pero sabi ko kina Aga, sabi ko sa ensemble cast, kasi iyong ensemble cast ng Miracle in Cell Number 7, napakahuhusay. At totoo, nag-number 1 kami.”
Pagpapatuloy pa ni Mon, “E eto, sinasabi ko na naman ulit, na etong ensemble cast ng Espnataho na napakahuhusay, may feeling ako na magna-number-one siya.
“Kasi lagi naman, ang horror genre sa record ng Mertro Manila Film Festival, hindi siya nawawala sa Top 3, e. Kung hindi siya magna-number 1, magna-number 2 or magna-number 3.
“Pero itong Espantaho ipini-predict ko na magiging number 1 siya.”
Pahabol pa ni Mon, “Sobrang gaganda ng mga entries ngayon, pero dahil Judy Ann Santos film ito na medyo na-miss natin, tapos may Lorna Toletino pa. Of course ang Reyna ng Horror Films na Si Janice de Belen, Chanda Romero, Chito Rono film…
“Tapos General Patronage pa itong pelikula naming Espnataho, na napakalaking bagay. Dahil siyempre, magpapamilya ang manonood, kasama ang mga anak. Kaya malaki talaga ang paniniwala ko na magna-number-one siya, sana, sana,” nakangiting bulalas pa ni Mon.
Ang Espantaho ay entry ng Quantum Films ni Atty. Joji Alonso, Purple Bunny Productions, at Cineko Productions ngayong 50th MMFF.
Showing na sa mga sinehan ang Espantaho ngayong December 25.
Kasama rin dito ang mahuhusay na sina Janice de Belen, JC Santos, Nico Antonio, Donna Cariaga, Tommy Abuel, Archie Adamos, Eugene Domingo, at ang award-winning child actor na si Kian Co.