ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
AMINADO si Judy Ann Santos na dream talaga niyang gumawa ng horror movie kay Direk Chito Roño.
Wika ni Juday, “After a decade na lang ako ulit nakagawa ng horror film. It’s always nice to work with Direk Chito, kasi ano iyon e, what you see is what you get. Pero pipigain ka niya.
“Pero iyon nga, kapag nakuha na niya iyong gusto niya sa iyo, okay na tayo, moved-on na tayo. Pero ‘pag hindi, hindi ka naman makakarinig, pero mararamdaman mo kung saan iyong parte na kailangan mong husayan, puliduhin and all.”
“Happy lang ako na the whole time we were doing this, parang mangilan-ngilan lang iyong mga eksena na…,” wika pa ni Juday, na biglang naputol ang sinasabi nang nagloko ang sound system.
Kuwento pa ng misis ni Ryan Agoncillo, “The time pa lang na tumawag sa akin si Direk Chito, offering a film na horror, excited na ako, e. Kasi pangarap ko talagang makagawa ng horror film with Direk Chito.
“Walang tanong-tanong, sabi niya, ‘Isusulat ni Chris (Martinez), si Atty. Joji ang magco-co-produce, okay ka?’. ‘Okay, go,’ saad naman daw ni Juday.
“Wala pang script ha, wala. So noong nagkita kami noong first day, excited ako talagang ma-experience uli siya. Kasi, ibang-iba na ang lahat, iba na ang ganap, kalmado na siya, pero naka-mic pa rin siya. At least hindi na kayo namumura, iba na, hahaha!” Nakatawang bulalas pa ni Juday.
Nabanggit din niya sa presscon nito kamakailan, na ayaw niyang maging plastic para sabihing hindi niya gusto na magkaroon ng award sa MMFF50.
Wika ni Juday, “Aba, parang lahat po yata ng nominado ay gugustuhin naman, hindi ba? Pero, siguro napaka-cliche kung sasabihin ko na, okay na, na maging box office na lang kami. Napaka-plastic naman din kung sasabihin kong hindi ko nais na magkaroon ng award, hindi ba? But kung ano ang nakikita ng mga hurado, kung kanino siya dapat mapunta, roon ako nagtitiwala.
“Naniniwala ako na maganda ang project namin at binitbit namin ang isa’t isa sa proyektong ito. Kung ano ang magiging resulta sa award’s night, napaka-bonus na talaga niyon.
“Being included in this wonderful film, ano na iyan e, that alone is a reward and a gift already for Christmas and for everyone.
“Iyong award, napaka-ano na iyon, buong-buo na siguro iyong 2024 ko kung nagkataon,” pakli pa ng magaling na aktres.
Isang hindi malilimutang cinematic experience ang hatid sa mga manonood ng Espantaho para sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ang Espantaho ay isang nakagigimbal na horror-drama mula sa master ng Philippine horror cinema na si Chito S. Roño. Scarecrow ang translation nito sa English.
Sa naturang pelikula, mamarkahan ang pagbabalik ni Judy Ann sa big screen pagkalipas ng limang taon.
Ang pelikula ay naghahatid ng nakatatakot na kuwento ng pag-ibig, pangangaliwa, at misteryo. Itinatampok dito ang napakahusay na pagganap nina Judy Ann (Monet), Lorna Tolentino (Rosa) at Chanda Romero (Adele).
Ang Espantaho ay entry ng Quantum Films ni Atty. Joji Alonso, Purple Bunny Productions, at Cineko
Productions ngayong 50th MMFF.
Kasama rin dito ang mahuhusay na sina Janice de Belen, JC Santos, Mon Confiado, Nico Antonio, Donna Cariaga, Tommy Abuel, Archie Adamos, Eugene Domingo, at ang award-winning child actor na si Kian Co.
Showing na sa mga sinehan ang Espantaho ngayong December 25.