HATAWAN
ni Ed de Leon
NOW it can be said, bagama’t wala pa naman silang opisyal na sinasabi, mukha ngang totoo na nakumbida nila si Nora Aunor para lumabas kahit sa isang cameo role sa isang festival movie. Remake kasi iyon ng isang lumang pelikula ni Nora na nilagyan ng slight modifications para lumabas na musical. Siyempre hindi si Nora ang bida kundi mga stage actor talaga kasi nga musical iyon, at paano pa nga bang kakanta si Nora?
Never the less, siguro nga mas magkakaroon ng value ang pelikula nila kung naroroon ang original na bidang si Nora.
Pero gaano nga ba kalaking tulong iyon sa commercial viability ng pelikula? Maaari bang mangahulugan iyon na magiging malaking hit iyon dahil lumitaw si Nora? Ayaw sana naming sagutin iyan, pero paano mo maaasahan iyon eh kung iyong pelikula mismo ni Nora hindi masuportahan ng kanyang fans, hindi nga ba’t may ilan siyang pelikulang matagal nang tapos pero hindi maipalabas sa mga sinehan?
Siguro nga hindi naman makatutulong iyon sa box office pero masasabi nilang may isang national artist na kasama sa pelikula nila, at iyon ang orihinal na Elsa sa pelikula. Iyong pelikulang basehan ng pelikula nila ngayon ay isang napakalaking pelikula. Pinondohan iyon ng Experimental Cinema of the Philippines, nakipagtulungan nang husto sina Senador Imee Marcos at ang betaranong film distributor na si Johnny Litton, ang may-ari ng Mever Films na siyang pinakamalaking distributor ng mga pelikulang Ingles noon at may control sa mayorya ng malalaking sinehan sa buong bansa. Iyon ay idinirehe ng batikang direktor at National Artist Ishmael Bernal. At alam namin ang mga sakripisyo nila sa pelikulang iyan dahil ang orihinal na line producer ng pelikula noon ay ang kaibigan naming si Bibsy Carballo. Isa iyan sa mga klasikong pelikulang napabayaan, at mabuti nga nai-restore sa tulong ng Sagip Pelikula ng ABS-CBN kaya kung mapapanood ninyo ngayon ang restored version, iisipin ninyong ang Kapamilya ang gumawa niyon dahil nasa kanila na lahat ng credits. Ni hindi man lang yata binanggit ang ECP na siyang gumawa talaga ng pelikulang iyon.
Anyway, ang pelikula ngang iyon ay kinilala bilang isa sa pinakamahusay na nagawa sa Asya.
Sa pamamagitan ng isang viewers poll na isinagawa ng CNN. Maliwanag iyan, pinakamahusay siya ayon sa boto ng mga taong nakiisa sa poll ng CNN. Hindi ang CNN ang namili, at ang pinili ay ang pelikula, hindi naman ang performance ni Nora, kaya masasabing ang kredito roon ay dapat na mapunta kay Ishmael, hindi kay Nora.
Kung sasabihin ninyo sa amin na si Ishmael ang nag-recreate niyang Himala, baka nga masabi naming babatak iyan ng tao, pero hindi kung may cameo role lamang si Nora.