SA PUSPUSAN at maigting na pagpapatupad ng 24/7 checkpoints sa lahat ng panig ng Gitnang Luzon alinsunod sa direktiba ni PRO3 Director PBGeneral Redrico A. Maranan, isang 42-anyos driver ang inaresto ng mga awtoridad, nitong Sabado ng hapon, 30 Nobyembre, dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9211 o ang Anti-Tobacco Regulation Act of 2003.
Ayon kay PBGeneral Maranan, habang nagsasagawa ng anti-criminality checkpoint ang mga tauhan ng Zaragoza MPS sa kahabaan ng San Antonio-Zaragoza Road, Brgy. Batitang, Zaragoza, Nueva Ecija isang puting Nissan Urban 350 ang kanilang pinahinto para sa routine check.
Nang ibinaba ng driver ang bintana ay nakita ng mga pulis ang patong-patong na mga kahon ng sigarilyo at nang hanapan ng kaukulang dokumento ay walang naipakita ang suspek na si Recardo Idoz, residente sa Lapaz, Tarlac.
Tinatayang aabot sa P1,350,000 ang kabuuang halaga ng 20 kahon ng Modern Red Cigarette, 25 kahon ng Modern Blue Cigarette, 20 kahon ng RGD Cigarette at 10 kahon ng Carnival Cigarette ang mga nakompiska.
Kaugnay nito ay binigyang-diin ni PBGeneral Maranan ang kahalagahan ng mga checkpoints sa mga lansangan sa pagpapatupad ng batas. (MICKA BAUTISTA)