NAARESTO ang isang miyembro ng gun-for-hire group at itinuturong ‘middlemen’ sa brutal na pagpatay sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu sa San Isidro, Nueva Ecija kamakalawa.
Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng search warrant sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon sa ulat na nakarating kay PRO3 Director P/BGeneral Redrico A. Maranan, ipinatupad ng mga tauhan ng San Isidro Municipal Police Station (MPS) katuwang ang 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang Search Warrant No. 2024-37.
Ang nasabing warrant ay inisyu ni Judge Quijano S. Laure, Executive Judge ng RTC Gapan City, noong 28 Nobyembre 2024, laban kay Almario Miranda y Magno, 64 anyos, residente sa Barangay Mangga, San Isidro, Nueva Ecija.
Sa isinagawang operasyon, nakuha sa pag-iingat ni Miranda ang isang kalibre .9mm baril na may kasamang magasin na naglalaman ng limang bala.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni P/BGeneral Maranan na ang tagumpay ng nasabing operasyon ay patunay ng dedikasyon ng pulisya sa pagbibigay-hustisya sa mga biktima ng krimen. (MICKA BAUTISTA)