NAKATAKDANG maganap ang pinakahihintay na Araw ng Parangal ng taunang Gintong Kabataan Awards (GKA) ng lalawigan ng Bulacan ngayong Biyernes, 15 Nobyembre, 1:00 ng hapon sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, sa lungsod ng Malolos Bulacan, para sa edisyon nito ngayong taon.
Inaanyayahan ni Gob. Daniel Fernando ang mga Bulakenyo na saksihan at maging bahagi ng masaya at prestihiyosong sandali ng mga kabataang Bulakenyo at ipagdiwang ang kanilang mga tagumpay kasama ang komunidad.
“Saksihan natin ang natatanging araw na ito bilang pagkilala sa mga tagumpay na natatamo ng ating mga Kabataang Bulakenyo. Sapagkat ang tagumpay nila ay repleksiyon din ng husay at dangal ng bawat isang mamamayan ng ating mahal na lalawigan,” ani Fernando.
Sa pangangasiwa ng Provincial Youth and Sports Development Office, nahahati ang GKA 2024 sa iba’t ibang kategorya kabilang ang Gintong Kabataan sa Sining at Kultura, Kagalingang Pang-Akademya at Agham, Entreprenyur, Paglilingkod sa Pamayanan, Manggagawa, SK Federation President, SK Barangay Council, GKA Special Citation, at Natatanging Gintong Kabataang Bulakenyo.
Sa taong ito, igagawad din ang Natatanging Gintong Kabataan (Posthumous Award).
Kabilang sa mga kapansin-pansin na ginawaran ng parangal ay sina Atty. Ronalyn Pordan ng lungsod ng San Jose Del Monte na dalawang beses nang kinilala bilang Gintong Kabataan sa Paglilingkod sa Pamayanan noong 2017 at Natatanging SK Federation President noong 2023; at si Bianca Patricia Reyes, Registered Psychometrician (RPm) mula sa bayan ng Hagonoy, na nakatanggap ng Special Citation noong nakaraang taon matapos niyang dominahin ang August 2023 Psychometricians Licensure Examination at sungkitin ang Top 1 sa marking 89.60%.
“Sa taong ito, ipagpapatuloy natin ang ating adbokasiya para sa ating mga kabataan, payayabungin natin nang higit ang kanilang mga talento at husay dahil naniniwala tayo na may puwang ang mga Kabataang Bulakenyo sa pagpapaunlad ng ating kinabukasan,” aniya. (MICKA BAUTISTA)