PINAKILOS ni PRO3 Regional Director P/BGen. Redrico Maranan ang kaniyang matataas na opisyal upang personal na pangasiwaan ang paghahanda sa seguridad sa mga sementeryo, memorial park, at columbaria sa buong Gitnang Luzon bilang paghahahanda sa paggunita ng Undas sa Biyernes at Sabado, 1-2 Nobyembre.
Alinsunod sa Ligtas Undas 2024, nagtalaga si P/BGen. Maranan ng halos 4,000 police personnel sa mga lalawigan na nasasakupan ng buong rehiyon.
Inatasan niya ang mga field officer na makipag-ugnayan sa mga force multiplier at emergency response units upang matiyak ang mahusay at nakikitang seguridad.
Ipinag-utos ng direktor ng pulisya ng Central Luzon ang pag-inspeksiyon sa mga terminal ng bus upang mapalakas ang presensiya ng pulisya, na nagbibigay ng kaligtasan para sa mga biyaherong patungo sa kanilang mga probinsiya.
Ayon kay P/BGen. Maranan, ipinakalat na ang mga tauhan ng PRO3 mula nitong Lunes, 29 Oktubre hanggang sa susunod na Lunes, 4 Nobyembre upang magarantiya ang kaligtasan at seguridad ng publiko habang ginugunita ang Araw ng mga Banal at Lahat ng Kaluluwa.
Ipinaabot niya ang kanyang pasasalamat sa force multipliers para sa kanilang walang tigil na suporta, na itinatampok ang kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan kaalinsabay at katuwang ng pulisya. (MICKA BAUTISTA)