ARESTADO ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga na naaktohan sa loob ng isang makeshift drug den sa isinagawang buybust operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Brgy. Sta. Lucia, bayan ng Magalang, lalawigan ng Pampanga, nitong Miyerkoles, 16 Oktubre.
Kinilala ng PDEA team leader ang mga nadakip na suspek na sina Ivan Chevaro Suba alyas Lupin, 44 anyos, tumatayong maintainer; Ryan Pagquil alyas Sarat, 34 anyos; at Ronnel Sibug, 18 anyos, pawang mga residente sa Waling-waling St., Phase 1, Brgy. Sta. Lucia, Magalang, Pampanga.
Bukod sa hinihinalang shabu, narekober din ng mga awtoridad ang sari-saring drug paraphernalia at ang marked money na ginamit sa sting operation.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na mga elemento ng PDEA RO III Special Enforcement Team, PDEA Pampanga Provincial Office, PDEA Nueva Ecija, Police Drug Enforcement Group – Special Operations Unit, at Magalang MPS.
Pansamantalang nakakulong ang mga suspek sa PDEA RO III Jail Facility, habang nakabinbin ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)