BINAKLAS ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency ang isang makeshift drug den na nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na indibidwal at pagkakakumpiska ng nasa Php 81,000.00 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Lubao, Pampanga dakong alas-8:14 kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng PDEA team leader ang mga naarestong suspek na sina: Kevin Flores @Kevin, 32, residente ng District 4, Brooklyn. Lourdes (Lauc Pao), Lubao, Pampanga; Carlo Manalansan, 32 ng, Brgy. Calangain; Francis Icban y Rivas, 28, ng Brgy. Rita; Jay-Ar Icban y Rivas, 22, ng Brgy. Rita; Francis Tolentino y Manlulu, binata, 43, residente ng Purok 5 Brgy. Lourdes (Lauc Pao); at Harnen Manuel y Colinares, 28, ng Purok 4, Brgy. Lourdes (Lauc Pao), pawang sa Lubao, Pampanga.
Nakuha sa pag-aresto ang limang piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng mahigit kumulang 12 gramo ng shabu na nagkakahalagang Php 81,600; sari-saring mga gamit sa droga; at ang buy-bust money.
Sinabi ng PDEA na mula pa noong Agosto ay binabantayan na nila ang lugar, kasunod ng tip ng isang concerned citizen na batakan at bentahan ng ilegal na droga sa lugar.
Ang operasyon ay isinagawa ng magkasanib na operatiba ng PDEA Bataan, PDEA Pampanga, PDEA Bataan Seaport Interdiction Unit at PNP Drug Enforcement Unit-Pampanga.
Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa mga naarestong suspek na isasampa sa korte. (MICKA BAUTISTA)