HATAWAN
ni Ed de Leon
NAUNANG nasagutan ni Vilma Santos ang pelikula nina direk Dan Villegas at Antoinette Jadaone para sa Mentorque Films. Kaya natural na iyon ang mas una niyang simulan. Kaya lamang nagkaroon ng delay dahil nagkasakit si Ate Vi.
Bagamat magaling na si Ate Vi sinabihan siya ng kanyang doktor na huwag biglain ang trabaho dahil baka mabinat mas mahirap iyon. Kaya nga delayed na naman ang trabaho niya. Mas mahirap nga naman iyong sasabak siya agad sa trabaho at pagkatapos mabinat. Matitigil din ang trabaho. Mahirap din iyon sa continuity ng pelikula, baka pumayat siya kaysa dati masisira ang continuity ng pelikula. Kaya nagdesisyon din si Ate Vi na magpahinga pa muna.
Okey naman iyon sa direktor at producers niya dahil sa simula pa lang may usapan na ayaw nga ni Ate Vi ng may pressure o may hinahabol na playdate o deadline. Gusto kasi niya na gumawa man siya ng pelikula, iyong ralaxed lang siya sa trabaho
“Hindi na tayo bata kagaya noong dati na kaya ko ang sunod-suinod na pelikula at kayang makipagpuyatan. Ngayon kailangan din naman natin ng tamang pahinga at saka may pamilya akong kailangan ko ring asikasuhin. May mga anak akong kailangang gabayan at ngayon may apo pa. Kaya noon pa mang una, sinabi ko na sa kanila na ayoko ng pressure sa trabaho at naintindihan naman nila,” sabi ni Ate Vi.
Eh iyon naman pala, iyong sinasabi ni direk Chito Rono na isang horror film na dapat ay pagsamahan nila ni Judy Ann Santos ay talaga palang intended na ihabol sa festival kung puwede.
Kaya hindi na nila mahihintay ang availability ni Ate Vi. Nag-announce na ang Quantum na si Lorna Tolentino na ang gagawa ng pelikula kasama ni Juday. Magaling din namang artista si Lorna at kayang-kaya rin niya ang role na iyon. Iyon nga lang, ang novelty ng pagsasama nina Ate Vi at Juday ang nawala na naman. Noon pa may mga balak na pagsamahin sila sa isang pelikula at gusto naman nila pareho, kaya lang lagi ngang nagkakaroon ng problema.
Anyway, sabi nga nila siguro pagdating ng tamanng panahon may matutuloy din silang project.
Isa pa, baka madagdagan pa ang delay dahil talagang ayaw tigilan si Ate Vi ng petisyoln ng mga taga-Batangas na magbalik siya bilang governor nila. At kung lalabas ngang talagang kailangan at ganoon ang maging desisyon ng pamunuan ng kanilang partido paano nga ba makatatanggi si Ate Vi.
Kung pakikinggan mo kasi ang sinasabi ng mga taga-Batangas ang magiging congressman daw nila sa Lipa, ang posisyong iniwan ni Ate Vi kay Secretary Ralph Recto at naiwan din naman niya noong italaga siyang finance secretary ng presidente ay si Ryan Christian. Kaya nga sinasabi naman ng iba, hindi man kumandidato si Ate Vi, tiyak na kakampanya rin siya para kay Ryan. Eh ‘di tumakbo na rin siya napagbigyan pa niya ang mga kababayan nila at kung gagawin niya iyon higit na suporta ang makukuha ng kanyang anak.
Si Ate Vi, kumbinsido riaman kay Ryan, kasi minsan daw nang dumating iyon mula sa isang event bilang kinatawan nila ni Secretary Ralph, ikinuwento niyon na may lumapit sa kanya at humingi ng tulong, pero sa halip na sabihin sa kanyang mga magulang, siya na mismo ang gumawa ng paraan. Ibinigay niya ang sarili niyang pera at mukhang masaya raw iyon sa kanyang ginawa. Kaya sabi ni Ate Vi mukha raw puwede nga si Ryan, kasi likas sa loob niyon ang pagtulong sa mga nangangailangan.
“Bihira sa tao iyon ha, iyong ibibigay niya ang sarili niyang pera para makatulong, eh iyang mga edad na iyan ni Ryan, iyan iyong mga kabataang marami pang lakwatsa at natural kailangan din niya ng pera niya. Iyong maibigay mo ang pera mo at tipirin mo ang ibang gastos, magandang palatandaan iyon na magiging mahusay siyang public servant,” sabi ni Ate Vi.