Dumating kahapon, Huwebes ng hapon ang kauna-unahang Pinay na nakasungkit ng korona bilang Miss World 2013, Megan Young, na agad bumiyahe sa London matapos koronahan sa Bali, Indonesia nitong Setyembre 28.
Pasado alas-4:00 kahapon nang dumating si Young lulan ng Cathay Pacific CX 919 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Sinalubong si Young ng mga kawani ng media, nat’l director ng Ms. World Philippines na si Cory Quirino, ilang kaibigan at ibang kinatawan ng Miss World Philippines.
Mula airport, diretso ang bagong Miss World sa Solaire Resort Hotel para sa inihandang press conference.
Matapos nito, pumunta ng Mall of Asia Arena (MOA) si Megan para sa ceremonial toss ng Houston Rockets at Indiana Pacers na pre-season game ng National Basketball Association (NBA). Bumalik siya sa Solaire para sa victory dinner party.
Ngayong umaga, nakatakda ang courtesy call kay Pangulong Noynoy Aquino sa Malakanyang ni Megan at sa hapon naka-iskedyul ang victory parade ng kauna-unahang Pinay na nakakuha ng korona.
Samantala, nakalatag na ang parada para sa selebrasyon ng pagkapanalo ng Pinay beauty queen.
Sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na mag-uumpisa ang parada sa kanto ng Buendia at Makati Avenue sa Makati City alas-2:00 ng hapon.
Bukod sa float ni Megan, may iba pang kasunod na float sa parada sakay ang kanyang princess court. Kasama rin ang apat na banda kabilang ang banda ng Philippine Marines at MMDA.
(GMG)