IPAPAMALAS ang husay ng kabayong si Louiseville sa kanyang pagtakbo sa 2024 Philracom “Hopeful Stakes Race” na iinog sa Linggo, 19 Mayo sa Metro Turf sa Tanauan City, Batangas.
Tampok ang distansiyang 1,600 metro, ang iba pang kalahok ay sina High Dollar, Da Compulsive, Amazing, High Roller, Primavera, Sting, Victorious Angel, at ang magkakuwadrang Feet Bell at Ruby Bell.
Nakataya ang P1-milyong guaranteed prize na ipapamahagi sa unang anim na kabayong tatawid sa meta, posibleng mapalaban si Louiseville sa magkakamping sina Feet Bell at Ruby Bell.
Sasakyan ni dating Philippine Sporstwriters Association (PSA) – Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, puntirya nila na masungkit ang P600,000 premyo.
Hahamigin ng owner ng pangalawang puwesto ang P200,000, mapupunta sa third ang P100,000 habang P50,000, P30,000 at P20,000 ang fourth hanggang sixth placer, ayon sa pagkakasunod.
Suportado ng Philippine Racing Commission sa magiting na pamumuno ni Chairman Aurelio “Reli” P. de Leon, mag-uuwi rin ang breeder ng mananalong kabayo ng P50,000 habang P30,000 at P20,000 ang second at third.
Samantala, tatakbo din sa mismong araw ng karera ang 1st Leg Triple Crown Stakes Race at 2-Year-Old Locally Bred. (MARLON BERNARDINO)