ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
LAGI kaming enjoy panoorin ang live performance ng bandang InnerVoices. Bukod sa mataas ang energy nila, sadyang iba kasi ang husay ng grupong ito pagdating sa musika.
Kaya naman talagang nag-eenjoy at kering-keri nila ang fans at audience nila na punupunta sa kanilang mga gig.
AngInnerVoices ay binubuo nina Atty. Rey Bergado, Angelo Miguel, Rene Tecson, Alvin Herbon, Joseph Cruz, Joseph Esparrago, at Ruben Tecson.
Sa ngayon, ang grupo ay may three original songs namely, Isasayaw Kita, Anghel, and Hari. Ito ay available for download sa Spotify, Apple Music, Youtube Music, Deezer at iba pang digital platforms via Vehnee Saturno Music Corporation.
Sa aming panayam sa kanila, nabanggit ni Atty. Rey ang latest sa kanilang banda.
Aniya, “Recently ay nag-release kami ng bagong music video ng Anghel. So, iyon ngayon ang iprino-promote namin.
“Before kasi ang iprinomote naming carrier single ay iyong Isasayaw Kita. This time iyon naman pong Anghel, so iyon po ang bago naming ginagawa ngayon.”
Nabanggit din nilang mas pabor sa kanila ang digital age, na siyang nangyayari ngayon sa music industry dahil hindi na uso ang CD. “Mas madali,” matipid na sambit ni Angelo na siyang bokalista ng grupo.
“Parang mas dumali,” pagsang-ayon ni Atty. Rey. “Kasi before, mahirap makarating sa TV, sa radio at sa print, hindi ba? Pero ngayon ay mas madali kaming maka-reach out.
“And dati ito lang tatlo ang media, but right now sa digital age, mayroong Spotify, Apple Music… and of course we can promote in YouTube.
“So, naging mas madali sa amin, mayroong pros and cons, of course. Pero iyong platforms, mas marami kaming avenue ngayon.”
Mahirap bang pagsabayin na bukod sa pagbabanda, by profession ay isa rin siyang abogado?
Esplika ni Atty. Rey na hawak ang keyboard sa kanilang grupo, “Mahirap actually, so, that’s why we have Joseph (Cruz) kung napapansin ninyo.
“Bibihira yung banda na may dalawang keybordista, hindi ba? So, for the times na wala ako, siya (Joseph) ang nagha-handle. Kapag nandiyan ako, dalawa kami. Kaya that explains why dalawa kaming nasa keyboards, dahil mahirap talagang pagsabayin.”
Sinabi naman ni Angelo ang aabangan pa sa kanilang grupo.
Pakli niya, “Marami pa iyan, marami pa iyan… kasi sa ngayon ay tatlong singles pa lang ang inilalabas namin. So abangan nila, mas marami pa kaming ilalabas na mas cheesy pa, danceable, at mas groovy. So, abangan nyo iyon, mas marami pa kaming nakahanda para sa inyo.”
May plano ba sila para sa bigger venue, big concert?
“Oo naman, actually hinahanap na ng katawan ko ang bigger stage, to be honest,” saad ni Angelo.
Wika naman ni Atty. Rey, “May plans actually, maybe sa end of the year, sa isang malaking venue na.”
Nabanggit din ng grupo na mayroon pa silang mga kantang hindi pa naire-record na iba-iba ang genre. Target nila ay bandang ber months daw ito at posible rin na magkaroon sila ng Christmas song.
Related sa mga Cruz si Joseph na kilala ang husay pagdating sa musika. Pressure ba ito para sa kanya na dapat ay magaling siya talaga sa music?
“Hindi naman, pero kailangan galingan mo talaga, hahahaha!” Nakatawang sambit naman niya na idinagdag pang bata pa lang ay namulat na sila na ang mga tatay nila ay musikero na talaga.
Incidentally, congrats sa InnerVoices dahil sila ang sumungkit ng tropeo bilang Best Revival Recording of the Year para sa kanilang kantang Paano sa PMPC 14th Star Awards for Music.