ANG NAGPAPATULOY na operasyon laban sa kriminalidad ng pulisya sa Bulacan ay humantong sa pagkaaresto sa mga indibiduwal na sangkot sa paglabag sa batas kamakalawa.
Sa ulat na isinumite kay P/Colonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, unang naaresto ng San Ildefonso Municipal Police Station (MPS) ang isang drug dealer sa isinagawang buybust operation sa Brgy. San Juan, Balagtas, Bulacan.
Arestado ang suspek na si alyas Romel, nakompiskahan ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu at marked money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang mga nakompiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri, habang ang reklamong kriminal na paglabag sa R.A. 9165 laban sa suspek ay inihanda na para sa pagsasampa sa korte.
Samantala, sa Brgy. Tambubong, Bocaue, inaresto ng tracker team ng Bocaue Municipal Police Station (MPS) ang sentensiyadong si alyas Leonard, dahil sa paglabag sa RA 9165, Service of Sentence, na ang warrant of arrest ay inilabas ng Presiding Judge ng RTC, Branch 6, City of Malolos, Bulacan.
Bukod dito, may kabuuang pitong indibiduwal ang nahuli sa aktong nagsasagawa ng ilegal na sabong sa mga lugar ng Pandi at Sta. Maria, Bulacan.
Inaresto ng mga awtoridad ang mga indibiduwal, kabilang ang pagkompiska ng mga panlaban na manok, gaff, at pera sa iba’t ibang denominasyon bilang taya.
Ang mga arestadong indibiduwal ay kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng arresting unit at police station para sa tamang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)