PITONG durugista na nagbebenta rin ng droga, at tatlong kriminal na nagtatago sa batas ang naaresto ng pulisya sa Bulacan sa iba’t ibang operasyon na isinagawa kamakalawa, 25 Nobyembre 2023.
Sa ulat na isinumite kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, sa hiwalay na buy-bust operation na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng San Miguel, Balagtas, Plaridel, San Jose Del Monte, at Baliwag City municipal police stations ay naaresto ang pitong durugistang nagbebenta rin ng droga.
Nasamsam sa operasyon ang 31 plastic sachet ng hinihinalang shabu, tatlong piraso na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana, may Standard Drug Price (SDP) P318,200, assorted drug paraphernalia, at buybust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang mga nakompiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri habang mga reklamong kriminal para sa mga paglabag sa R.A. 9165 laban sa mga suspek ay inihahanda na para sa pagsasampa ng kaso sa korte.
Samantala, naaresto ng tracker team ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), at Bocaue Municipal Police Station ang tatlong (3) wanted na indibiduwal.
Sila ay kinilalang sina Dylen Gudaca, arestado dahil sa paglabag sa BP 22; Antonio Moico sa Qualified Gender Based Sexual Harassment in Streets and Public Places ng RA 11313, o kilala rin bilang Safe Space Act; at si Danny Mark Rosare sa kasong panggagahasa.
Ang mga naarestong akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station para sa tamang disposisyon.
Ayon kay P/Colonel Arnedo, ang mandato ni RD, PRO3 PBGeneral Jose S. Hidalgo, Jr., sa Bulacan PNP ay ang walang patid na opensiba laban sa ilegal na droga, walang humpay na pagtugis sa mga drug personality, wanted na mga kriminal, at mahusay na solusyon laban sa krimen. (MICKA BAUTISTA)