ISANDAAN at limampu’t isa na Bulakenyong mangingisda ang tumanggap ng fuel subsidy cards mula sa Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources 3 sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office sa ginanap na “Distribution of Fuel Subsidy Card to Fisherfolks in the Province of Bulacan” sa Eco Commercial Complex, Capitol Compound sa Lungsod ng Malolos, Bulacan kahapon.
Apat na barangay mula sa Lungsod ng Malolos kabilang ang Namayan, Masile, Caliligawan at Pamarawan ang tumanggap ng fuel subsidy cards na nagkakahalaga ng P3,000 bawat isa.
Layon ng nasabing programa na palakasin ang produksyon ng sektor ng pangisdaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidiya sa mga mangingisda upang makapag-uwi ng mas malaking kita para sa kanilang pamilya.
Bukod dito, sinabi ni Bise Gob. Alexis C. Castro na umaasa siya na mapapagaan ng subsidiya ang mga pinansyal na pasanin at mas makapaglaan ng badyet para sa mahahalaga at pang araw-araw na gastusin.
“Nawa po ay makatulong ang fuel subsidy sa inyo—makatulong sa inyong paghahanapbuhay at kahit papaano ay makabawas po sa inyong pang araw-araw na gastusin. ‘Yung tatlong libo na matitipid ninyo ay maaari nang maipambili ng iba pang pangangailangan at panggastos sa araw-araw,” ani Castro.
Alinsunod sa Special Provision No. 20 ng General Appropriation Act (GAA) FY 2022, itinalaga ang halagang P500,000,000 para sa diskwento sa gasolina ng mga magsasaka at mangingisdang nagmamay-ari at nagpapatakbo ng makinarya sa agrikultura at pangisdaan o sa pamamagitan ng isang organisasyon ng magsasaka, kooperatiba o asosasyon. (MICKA BAUTISTA)