ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ISA si Phoebe Walker sa cast ng pelikulang Penduko na tinatampukan ni Matteo Guidicelli.
Ang pelikula ay official entry sa 2023 Metro Manila Film Festival na magsisimula sa December 25. Ito’y mula sa pamamahala ni Jason Paul Laxamana.
Nagbabalik sa big screen ang legendary superhero! May bagong mukha, may bagong kuwento pero punong-puno pa rin ng exciting at out-of-this-world adventures. Si Matteo ang pinakabagong Penduko!
Aminado si Phoebe na excited na siya para sa kanilang pelikulang ito.
Pahayag ng aktres, “Nag-cancel talaga kami ng plano sa Pasko, kasi gusto kong matutukan ‘yung activities ngayong MMFF. Sobrang excited ko to start the promotion and very proud akong mapabilang sa project na ito.
“Sana magdulot ito ng more substantial projects sa akin tulad ng karanasan ko noon.”
Dagdag ni Phoebe, “2016 pa ‘yung last time akong nakasali sa MMFF sa Seklusyon ni direk Erik Matti. Kaya medyo matagal-tagal na, pero very beneficial sa career ko iyon dahil nag-take off talaga ang acting career ko after this MMFF experience.”
Matatandaang bukod sa mga sumunod na magagandang projects after ng Seklusyon, nanalo rin dito bilang Best Supporting Actress sa MMFF si Phoebe.
Ano ang role niya sa Penduko?
Esplika ni Phoebe, “Sa Penduko ako si Wendy, recruiter ng Hatinggabi na makapapansin kay Pedro sa real world. Ako ang magyayaya at magdadala kay Pedro sa mundo ng mga may-galing.”
Paano niya ide-describe ang movie? “Action fantasy film ito na pang pamilya, it’s about the journey of Pedro and how he comes to realize and accept his purpose in life,” pakli ni Phoebe.
Nabanggit din ng aktres na cool katrabaho ang bida ritong si Matteo.
“First time to work with Matteo and napakabait and approachable niya. Siguro kasi magagaan lang ang eksena namin kompara sa iba, kaya naging masaya at mabilis lang ang trabaho namin,” masayang sambit ni Phoebe.