ARESTADO sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad laban sa iba’t ibang uri ng krimen, ang tatlong hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga, itinuturing na salot ng kanilang mga kabarangay sa bayan ng Guiguinto, lalawigan ng Bulacan nitong Sabado ng gabi, 21 Oktubre.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, nahuli ang tatlong suspek sa drug sting operation ng mga tauhan ng Guiguinto MPS dakong 7:30 pm kamakalawa sa Brgy. Tuktukan, sa nabanggit na bayan.
Nakompiska mula sa mga suspek ang kabuuang apat na pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakalaga ng P10,500 at marked money.
Napag-alamang ang mga naarestong suspek ay salot at mga isinusukang tulak sa barangay dahil sa walang takot na pagbebenta ng ilegal na droga.
Dinala ang mga nakompiskang ebidensiya sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa kaukulang pagsusuri habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa sa korte laban sa mga suspek.
Ayon kay Arnedo, ang Bulacan PNP ay nananatili sa kanilang walang humpay na pagsisikap na mapanatiling drug free ang lalawigan at maapula ang mga indibidwal na maghasik ng karahasan sa komunidad. (MICKA BAUTISTA)