Matapos ang mahabang panahong pagtatago sa batas ay naaresto ng pulisya ang isang madulas na pugante sa operasyong isinagawa sa Meycauayan City, Bulacan kahapon.
Sa ulat, ang matagumpay na operasyon ay inilatag dakong alas-7:45 ng umaga sa Brgy. Bayugo, Meycauayan City.
Ito ay nagresulta sa pagkaaresto kay Mark Oniel Lagpao, na kilala bilang alyas Onel, 23, na matagal nakaiwas sa pag-aresto bilang Bulacan Provincial Top 1 at Top 4 City Level MWP, ayon sa rekord.
Ang operasyon na pinangunahan ng Meycauayan CPS, ay ikinasa sa pakikipagtulungan ng PIT Bulacan/RIU 3.
Ang arrest warrant ay inilabas ng Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 77, Malolos City, Bulacan, at may kinalaman sa dalawang kasong kriminal kaugnay sa Section 12 ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), na nauukol sa Service of Sentence order.
Si Mark Oniel Lagpao ay tinakasan ang hustisya matapos maharap sa matinding kaso na nauugnay sa mga aktibidades ng iligal na droga.
Ayon kay Police Colonel Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang pagkahuli sa akusado ay kumakatawan sa makabuluhang tagumpay para sa Bulacan PNP sapagkat ito ay nailagay sa kanilang kustodiya at naghihintay ng legal na paglilitis. (Micka Bautista)