NASAKOTE ng mga awtoridad ang ‘nawawalang preso’ (person deprived of liberty — PDL) ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City nitong nakaraang buwan ng Hulyo.
Walang nagawa ang ‘pugante’ nang arestohin ng mga elemento ng Angono Police ang PDL na kinilalang si Michael Angelo Cataroja sa isang bahay sa Sitio Mangahan, Barangay San Isidro, Angono, Rizal bago mag-5:00 ng hapon nitong Huwebes, 17Agosto.
Sinabi ng ina ni Cataroja, umuwi umano ang kaniyang anak na PDL sa bahay ng kanyang pinsan noong Miyerkoles ng gabi , 16 Agosto.
Dumating umanong pagod na pagod at gutom si Cataroja at agad nakatulog sa bahay ng pinsan.
Sa tulong ng intelligence unit ng Angono Police, nakakuha sila ng impormasyon na ang napaulat na nawawalang PDL ng Bureau of Corrections (BuCor) ay nasa Sitio Mangahan.
Dali-daling pinuntahan ng mga pulis ang bahay na pinagtataguan ni Cataroja na nagresulta sa muling pagkakadakip sa kaniya.
Sa imbestigasyon ng Angono Police, sinabi umano ni Cataroja na madali lamang siyang nakalabas sa NBP compound.
Nakisabay umano siya sa mga dalaw sa paglabas ng compound at kasal na naglakad palabas nang hindi nahahalata.
Agad dinala si Cataroja sa Angono Police Station para sa beripikasyon at koordinasyon ng Philippine National Police (PNP) sa BuCor. (GINA GARCIA)