NADAKIP ng mga awtoridad nitong Sabado, 12 Agosto, ang suspek na itinuturong bumaril at nakapatay sa isang dayuhan sa lalawigan ng Bataan noong Mayo.
Sa kanyang ulat kay PRO3 Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr., ipinahayag ni P/Col. Palmer Tria, Provincial Director ng Bataan PPO, nagsagawa ang mga operatiba ng Bataan Provincial Intelligence Unit na pinamunuan ni P/Lt. Col. Alexander Aurelio katuwang ang Mariveles MPS at Bataan 2nd PMFC ng operasyon sa Sitio Judea, Brgy. Mt. View, sa bayan ng Mariveles, sa nabanggit na lalawigan.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto sa suspek na kinilalang si Angelo Perez, 30 anyos, residente sa Purok 1, Brgy. Bangal, Dinalupihan, Bataan.
Dinakip si Perez sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Esperanza S. Paglinawan – Rosario, ng San Fernando, Pampanga RTC para sa kasong Frustrated Murder.
Nasamsam mula sa akusado ang isang hand grenade, isang cal. 45 pistol na kargado ng anim na bala, isang cal. 45 magazine na may walong bala, mga bala para sa cal.45 at cal.38 at apat na pirasong pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu. Sangkot si Perez sa pagpatay kay Imran Akhtar, 44 anyos, negosyante mukla Pakistan noong 23 Mayo sa isang private resort sa Dinalupihan. (MICKA BAUTISTA)