“BAHA ka lang, mananampalataya kami.”
Ito ang masayang pagbati ng mga deboto ng Presentation of the Lord Parish sa Brgy. Batasan, sa bayan ng Macabebe, lalawigan ng Pampanga sa kanilang pagsisimba nitong Linggo, 30 Hulyo, sa kabila ng sitwasyon ng kanilang simbahan.
Dahil walang tigil ang ulan, lubog na ang kanilang mga daanan, talipapa, paaraalan, at simbahan ngunit hindi nagpatinag ang mga deboto dahil patuloy pa rin ang kanilang pagdalo sa misa sa kabila ng pagbaha at masamang panahon.
Nakababad din sa tubig pati ang kanilang pari.
“Nagsisimba pa rin po kami dahil sa kabila ng dinaranas nating problema meron pa rin dahilan para magpasalamat sa Diyos at ngayong panahon na ito mas kailangan natin ang kanyang tulong,” ayon kay Joed Lacanlale, parishioner ng Presentation of the Lord Parish.
Samantala, lubog rin ang mga simbahan sa bayan ng Masantol.
Kinansela man ang misa sa mga kapilya, tuloy pa rin ang misa sa St. Michael the Archangel Parish kahit binaha.
Sa offertory, sinuong ng mga offerer ang baha papunta sa altar.
Sa homilya ng pari, sinabi niyang sa salitang Kapampangan na may dahilan pa rin upang magpasalamat.
“Ang sa atin ngayon, sample lang ng nararamdaman ng mas maraming Filipino na kasama natin kaya masasabi natin na masuwerte pa rin tayo sa kanila at masasabi natin na salamat Lord, buhay pa ako,” ani Rev. Fr. Ignacio De Loyola Carlos.
Dahil inaasahan pa ang ulan sa mga darating na araw, inaasahan din na tataas pa ang tubig sa mga nasabing lugar.
Sa huling tala ng PDRRMO kahapon, nasa 196 barangays mula sa 16 bayan ang lubog sa baha sa buong Pampanga.
Idineklara na ang state of calamity sa mga bayan ng Sto. Tomas, San Simon, at Macabebe dahil sa pinsalang dulot ng baha. (MICKA BAUTISTA)