INARESTO ng mga awtoridad ang isang motorcycle rider matapos mahulihan ng nakasukbit na baril at dalang shabu sa isang checkpoint operation sa Masantol, Pampanga kamakalawa.
Sa ulat na ipinadala ng Pampanga PPO kay PRO3 Director P/BGen. Jose S. Hidalgo, Jr., nabatid na habang ang operating teams ng Pampanga 1st PMFC, Masantol MPS at Pampanga PIU ay nagsasagawa ng checkpoint operation sa Brgy. Bebe Anac, Masantol, Pampanga, ay pinara nila ang isang rider dahil walang suot na helmet.
Nang usisain ng mga awtoridad ang mga kinakailangang dokumento, bumulaga sa mga awtoridad ang kalibre .38 revolver na nakasukbit sa beywang ng rider na nagresulta sa pag-aresto sa suspek.
Kinilala ni P/BGen. Hidlago ang arestadong suspek na si Cesario Ronquillo Cabrera, residente sa San Pedo Cutud, City of San Ferando, Pampanga at natuklasan na nakatala bilang high value individual (HVI).
Bukod sa nakompiskang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala, nakuha rin ng mga awtoridad sa suspek ang isang asul na motorsiklo, cash sa iba’t ibang denominasyon, at hinihinalang shabu, may timbang na 55 gramo at tinatayang may halagang aabot sa P374, 000. (MICKA BAUTISTA)