NASAMSAM ng mga awtoridad ang mga baril, bala, at granada sa ipinatupad na search warrant sa bahay ng isang opisyal ng barangay sa Guimba, Nueva Ecija.
Sa ulat mula kay PRO3 Regional Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr., ang magkasanib na mga operatiba ng Regional Special Operations Group 3, RMFB3, at Guimba MPS na pinamunuan ni P/Lt. Colonel Jay Dimaandal, AFC, RMFB3/C, RSOG3 ang nagpatupad ng Search Warrant No. 22-2023-OEJ para sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition).
Ito ay inisyu ni Judge Frazierwin Villaflor Viterbo, Executive Judge, Regional Trial Court, Third Judicial Region, Branch 33, Guimba, Nueva Ecija, laban kay Gil Gamis y Romin, kasalukuyang barangay chairman ng Brgy. San Miguel, Guimba, Nueva Ecija.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkaaresto ng nabanggit na barangay chairman at pagkakakompiska ng isang M16 rifle, isang Carbine, isang rifle grenade, maraming bala, magazine assemblies at flare gun.
Ang paghalughog sa kanyang bahay ay maayos na isinagawa sa presensiya ng iba pang lokal na opisyal. (MICKA BAUTISTA)