Tuesday , April 15 2025
DRT Doña Remedios Trinidad Bulacan

Tahimik na bayan pinasok na ng mga kawatan
GOVERNMENT EMPLOYEE BINIKTIMA NG SALISI GANG

Hindi sukat-akalain ng isang ginang na maging ang kanilang bulubunduking bayan ng Doña Remedios Trinidad (DRT) sa Bulacan ay pasukin na rin ng mga naglipanang kawatan na nambibiktima ng mga residente.

Ayon kay  Jennie Castro, 53-anyos, empleyada ng PSWDO sa Lungsod ng Malolos, Bulacan, siya ay naging biktima ng ‘Salisi Gang’ sa kanyang restaurant sa Pulong Sampaloc, DRT nitong nakaraang linggo.

Sa naging salaysay niya sa mamamahayag na ito, dakong alas-2:30 ng hapon, habang abala siya sa pag-aasikaso sa harap ng kanyang restaurant ay pumarada ang isang kotse at bumaba ang dalawang lalaki.

Aniya ay nagtanong ang mga ito kung ano ang makakakain sa kanyang restaurant habang paikot-ikot sa loob at turo nang turo ng kung ano-ano sa mga estante ng ulam.

Makalipas ang ilang sandali ay tila walang nagustuhan ang mga ito kaya umalis sakay ng kanilang kotse.

Pero maya-maya pa ay muling nagsibalik ang mga ito at nagtuturo na naman ng mga ulam sa estante habang paikot-ikot sa loob ng restaurant.

Tulad ng una, hindi umorder ang mga ito ng pagkain at saka nagmamadaling umalis sakay uli ng kotse.

Nakaalis na ang mga lalaki nang mapansin ng ginang na nawawala ang kanyang Vivo cellphone na may kamahalan ang halaga na nakapatong lang sa ibabaw ng isang kahon.

Habang humihingi ng saklolo, dito na lumabas ang iba pa niyang kalapit-establisyemento na nagsabing sila man ay naging biktima ng mga naturang lalaki na naka-kotse.

Kaagad naman silang nagreklamo sa tanggapan ng DRT Municipal Police Station (MPS) na kasalukuyang nagsasagawa ng pagmamasid sa lugar.

Ayon kay Ginang Jennie Castro, hindi nila sukat-akalain na nakararating na sa kanilang tahimik na bayan ang mga ganitong sindikato ng mga kawatan kaya ibayong pag-iingat na ang kanilang ginagawa ngayon. (MICKA BAUTISTA)

About Micka Bautista

Check Also

Alan Peter Cayetano

Cayetano sa mga SK leader  
Magtrabaho para sa tunay na pagbabago

HINIMOK ni Senador Alan Peter Cayetano noong Sabado ang mga chairperson ng Sangguniang Kabataan (SK) …

House Fire

3 sugatan sa sunog sa QC

TATLO katao ang iniulat na nasaktan sa sunog na sumiklab sa residential area sa Makabayan …

Road Maintenance

DPWH nag-abiso magkukumpuni ng mga kalsada ngayong Semana Santa

NAKATAKDANG magsagawa ng 24-oras trabaho sa loob ng limang araw ang mga tauhan ng Department …

Dead Road Accident

2 patay, 7 sugatan sa karambola ng 3 sasakyan

PATAY ang dalawa katao habang pito ang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa Commonwealth …

041425 Hataw Frontpage

2 grade 8 students dedo sa saksak ng 3 menor de edad

HATAW News Team DALAWANG Grade 8 students ang napaslang sa pananaksak ng tatlong estudyante rin, …