SANDAMAKMAK na baril, mga bala at hinihinalang ilegal na droga ang nasamsam ng mga tauhan ng Bulacan PPO sa sunod-sunod na operasyon sa lalawigan nitong Sabado, 24 Hunyo.
Ayon kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, nakompiska sa search and seizure na ipinatupad ng mga tauhan ng Meycauayan CPS laban sa suspek na kinilalang si Benjamin Joson ang isang kalibre .357 Magnum, isang kalibre .22 revolver, at anim na pirasong bala ng kalibre .357 Magnum.
Gayondin, naging matagumpay ang operasyon na isinagawa ng CIDG Bulacan PFU at Bocaue MPS laban sa suspek na si Crisanto Sabalbarino para sa kasong gun running at pagkakakompiska ng isang kalibre .38 revolver.
Nakompiska mula sa suspek na kinilalang si Raymond Bautista, nakatalang high value individual sa PNP/PDEA watchlist, sa ikinasang buybust operation ng Sta. Maria Drug Enforcement Unit (DEU) ang isang kalibre .45 Charles Daly, isang pirasong magasin para sa kalibre, at hinihinalang ilegal na droga na tinatayang nagkakahalaga ng P408,000.
Samantala, sa ikinasang buybust operations ng mga tauhan ng Baliwag CPS, ang suspek na kinilalang si Vincent Torres, nakatalang high value individual sa PNP/ PDEA watchlist ay nakompiskahan ng walong pakete ng plastik ng hinihinalang shabu.
Nadakip din ng Malolos CPS DEU ang suspek na kinilalang si Allen Daryll Clavio, nasamsaman ng 36 pakete ng plastic naglalaman ng marijuana fruiting tops, may timbang na 324 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P38,880. (MICKA BAUTISTA)