INARESTO ng mga awtoridad sa bayan ng Aliaga, lalawigan ng Nueva Ecija, ang lider at apat na miyembro ng Hernandez gun-for-hire group at nasamsam mula sa kanila ang hinihinalang shabu, mga pampasabog, at iba’t ibang matataas na kalibre ng baril sa isinasagawang anti-criminality checkpoint nitong Linggo ng umaga, 25 Hunyo.
Ayon kay PRO3 Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr., nagsasagawa ng anti-criminality checkpoint ang magkakasanib na mga operatiba ng Aliaga MPS, PIU, PPDEU, 1st PMFC, at 2nd PMFC ng Nueva Ecija PPO sa Brgy. Sto. Rosario, sa nabanggit na bayan hanggang pigililn ang isang asul na Toyota Vios na nagresulta sa pagkakaaresto ng limang suspek.
Kinilala ang mga suspek na sina Ronnie Hernandez, lider ng Hernandez criminal group, 41 anyos, residente sa Brgy. Macalamcam B, Rosario, Batangas; Alfred Ledezma, 34 anyos, residente sa Brgy. Del Carmen, Lipa, Batangas; Joey Pangilinan, 35 anyos, residente sa Brgy. San Lucas, Lipa, Batangas; Myra Hernandez, 34 anyos, residente sa Brgy. Bolihan, Malvar, Batangas; at Liezel Awing, 37 anyos, residente sa San Juan, Batangas.
Nasamsam mula sa mga suspek ang isang M16 rifle na may magasin at mga bala; tatlong hand grenades; apat na kalibre .45 may magasin at mga bala; halos apat gramo ng hinihinalang shabu, tinatayang nagkakahalaga ng P27,200; at cash money na halagang P49,931.
Napag-alamang ang area ng operasyon ng mga arestadong gun-for-hire personalities ay sa Region 4A, NCR, at Region 3 at nasangkot din sa maramihang pagpatay sa mga lalawigan ng Batangas at Quezon. (MICKA BAUTISTA)