Dinakip ng mga tauhan ng Angeles City Police Station (CPS) ang isang Chinese national dahil sa pagkakasangkot nito sa bentahan ng mga pekeng smartphones sa Angeles City kamakalawa.
Kinilala ni PRO3 Director PBGeneral Jose S. Hidalgo Jr, ang suspek na si Zeng Yunshi, Chinese national, 49, at pansamantalang naninirahan sa Metro Manila na inaresto ng mga operatiba ng Angeles City Station 3 sa pamamagitan ng ikinasang entrapment operation sa harap ng Jaoville Compound, Brgy. Pandan, Angeles City.
Lumitaw sa imbestigasyon na isang “Rachell” ang bumili ng brand new iPhone 14 Pro Max mula kay Zeng para sa halagang Php11,000.00.
Pero nang suriin ng biktima ay natuklasan niya na hindi ito orihinal at isa lamang clone o kopya.
Sinikap ng biktima na tawagan si Zeng pero wala itong sagot. kaya napilitan na siyang isumbong ang mapanlinlang na transaksiyon sa mga awtoridad.
Dito na ikinasa ang entrapment operation kung saan isang alyas “Jess”, na kaibigan ng biktima ang bumili ng isa pang smartphones kay Zeng at napagkasunduan nilang magkita sa harap ng Jaoville kung saan ang suspek ay inaresto ng operating team.
Ang mga kinakailang dokumento para sa kasong Estafa ay inihahanda na laban sa suspek na nakatakdang isampa sa korte.(Micka Bautista)