DIRETSO sa kulungan ang siyam na suspek sa droga at tatlong wanted na indibiduwal nang maaresto sa patuloy na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Huwebes ng umaga, 15 Hunyo.
Sa ulat kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, dinakip ng tracker teams ng Baliwag, Malolos, at Bulakan C/MPS ang tatlong kataong pinaghahanap ng batas para sa mga kasong Estafa, Qualified Theft, at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa magkakahiwalay na manhunt operations.
Samantala, nasakote ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Units mula sa Hagonoy, Bocaue, San Rafael, Malolos, Calumpit, Sta. Maria, at Baliuag C/MPS ang siyam na indibiduwal sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165 at nakumpiska ang kabuuang 32 pakete ng plastic ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang P54,944, drug paraphernalia, at buybust money. (MICKA BAUTISTA)