NAGULANTANG ang mahimbing na pagtulog ng mga residente nang biglang sumabog ang isang bodega ng paputok sa bayan ng Bocaue, Bulacan, kung saan 18 residente ang naiulat na sugatan nitong Huwebes, 15 Hunyo.
Kinumpirma ng Bureau of Fire and Protection (BFP) at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na dakong 2:16 ng madaling araw kahapon nang maganap ang insidente ng pagsabog na sinundan ng malaking sunog sa bodega ng paputok ng isang alyas Lita, sa Brgy. Bunducan, sa nabanggit na bayan, ilang metro ang layo sa daang riles.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na bago naganap ang sunog ay nakarinig muna ng malakas na pagsabog mula sa bodega ng paputok na narinig at nagpayanig din sa mga kalapit-bayan ng Bocaue na Sta.Maria at Marilao.
Sa ulat mula kay P/Col. Ronnie Pascua, Hepe ng Bocaue MPS, nasa 18 residente ang nasugatan dahil sa sunog at ilang mga bahay din ang nadamay kung saan nabasag ang mga salamin ng bintana at nawasak ang mga kisame dahil sa pagsabog.
Nakita sa pagsisiyasat ng mga awtoridad ang nagkalat na mga piraso ng mga paputok sa kalsada tulad ng luces, fountain at kuwitis na nagmula sa bodega.
Ayon kay Municipal Fire Station Fire Marshal FSI Earl Carlo Mariano, dakong 5:11 ng umaga kahapon nang ideklarang fireout na ang sunog. Walang napaulat na binawian ng buhay sa insidente ng sunog at pagsabog samantalang patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung may mga permit ang bodega na pag-aari ni alyas Lita. (MICKA BAUTISTA)