BATAY sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE), nakapagtala ang lalawigan ng Bulacan ng pinakamataas na bilang ng Hired on the Spot (HOTS) sa Rehiyon 3 sa ginanap na Independence Day Kalayaan Job Fairs na idinaos sa iba’t ibang lokasyon sa Gitnang Luzon nitong Lunes, 12 Hunyo, na may temang ‘Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan’.
Katuwang ang DOLE at Department of Migrant Workers, nakapagtala ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office ng 131 HOTS o 16% ng aktuwal na kabuuang aplikante sa ginanap na Bulacan Trabaho Service Caravan sa Bulacan Capitol Gymnasium.
Lumahok ang may 834 na aplikante ng trabaho kung saan 368 ang lalaki at 466 ang babae, na nag-aplay sa 11,623 na alok na trabaho ng 74 lokal na kumpanya at 11 overseas agencies.
Ani Gob. Daniel Fernando, patuloy na magsasagawa ng job fair ang Pamahalaang Panlalawigan upang tulungan ang mga Bulakenyo na makahanap ng trabaho at mapabuti ang kanilang pamumuhay.
“Kaya’t patuloy tayo sa paglikha ng mga programa at proyekto na magtataas ng kalidad ng kanilang pamumuhay. At isa na po riyan ang regular na pagsasagawa natin ng job fairs para makatulong sa mga kababayan nating naghahanap ng trabaho. Tangkilikin po natin ang mga ganitong gawain dahil ito ay para sa inyong kapakanan,” ani Fernando.
Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, nagkaloob ang DOLE ng Sari-sari store starter kits sa 250 Bulakenyong benepisyaryo at iginawad ang Livelihood Formation Package sa 43 Parents of Child Laborers sa Bulacan sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) kabilang ang 22 sari-sari store with bigasan package, walong gamit pangsida, apat na frozen goods package, dalawang ihawan, dalawang boat repair package, dalawang lutong ulam package, isang bigasan package, isang plasticwares package, isang rice and meat package, at mga gamit sa paaralan para sa mga bata kaugnay ng obserbasyon ng 2023 World Day Against Child Labor.
Gayundin, sa obserbasyon ng Migrant Workers Day, pinangunahan ni Regional Director Falconi Millar ang pamamahagi ng OWWA assistance sa 20 Bulakenyong benepisyaryo kabilang ang 10 tulong-pangkabuhayan, siyam na tulong-medikal, at isang bereavement assistance.
Kinilala din ng Pamahalaang Panlalawigan ang isa sa 2023 Marilag awardee na si Anna Camille Naguit, kilala rin bilang Menggay Vlogs, dating OFW mula sa Pulilan, ngayon ay full-time vlogger na nakahanap ng inspirasyon sa kanyang karanasan bilang OFW.
Sa ngalan ni Bb. Naguit, tinanggap ni Vilma Santos, Federation President ng OFW Family Circle sa Bulacan, ang nasabing pagkilala. (MICKA BAUTISTA)