Naihatid sa likod ng selda ang tatlong hinihinalang tulak at isang nagtatago sa batas matapos masukol ng mga awtoridad sa patuloy na operasyon kontra kriminalidad sa lalawigan ng Bulacan nitong Lunes, 10 Abril.
Sa ulat mula kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, nasakote ang tatlong suspek sa drogra sa magkakahiwalay na drug buybust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Guiguinto at Pulilan MPS.
Kinilala ang mga suspek na sina Rollie Ancheta ng Brgy. Burol 2nd, Balagtas; Benjamin Ortega ng Brgy. Caingin, Bocaue; at Glenn Bayani ng Malanday, Valenzuela.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang kabuuang pitong pakete ng hinihinalang shabu at isang motorsiklo na may sidecar.
Samantala, nakorner ng tracker team ng Bulacan 2nd Provincial Mobile Force Company katuwang ang mga elemento ng San Jose del Monte CPS ang isang lalaking pugante sa Brgy. San Martin III, San Jose del Monte sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Grave Oral Defamation.
Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station ang lahat ng naarestong suspek para sa angkop na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)