MAGKAKASUNOD na naaresto ang walong hinihinalang mga notoryus na tulak ng ilegal na droga at limang pinaghahanap ng batas sa patuloy na police operations sa lalawigan ng Bulacan nitong Lunes, 30 Enero.
Unang nadakip sa operasyong ikinasa ng mga tauhan ng San Jose del Monte CPS ang apat na pinaniniwalaang mga tulak na kinilalang sina Jennifer Mabesa, Robert Mabesa, Mark Paghunasan, at Roniel La Paz, pawang mga residente sa Brgy. Gaya-Gaya, sa lungsod ng San Jose del Monte.
Nasamsam mula sa mga suspek ang limang pakete ng hinihinalang shabu, marked money, at kalibre .38 rebolber na kargado ng limang bala, nasa pag-iingat ni Paghunasan.
Sa inilatag na serye ng drug sting operations ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit (PIU) at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malolos CPS at Guiguinto MPS, nasakote ang mga suspek na kinilalang sina Evangeline Macariola, Rannie Salonga, Ariel Diosana, at Joel Sta. Ana, pawang mga sangkot sa ilegal na bentahan ng droga.
Nakompiska sa isinagawang operasyon mula sa mga suspek ang 10 pakete ng pinaniniwalaang shabu at buy-bust money.
Samantala, sa tuloy-tuloy na pursuit operations ng tracker teams mula sa 2nd PMFC, Norzagaray, Bulakan, at Balagtas MPS, nadakip ang limang indibidwal na pinaghahanap ng batas para sa iba’t ibang kasong kriminal.
Pahayag ni P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, ang pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga at sa mga wanted na indibidwal ng Bulacan PNP ay may kaugnayan sa direktiba ni Regional Director PRO3 P/BGen. Cesar Pasiwen, at sa Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan, at Kaunlaran (MKK=K) o ang peace at security framework ni Chief PNP P/BGen. Rodolfo Azurin. (MICKA BAUTISTA)